Filipino
12/12/2016 12:59:00 AM
Bughaw, Pula, at Dilaw—tatlong kulay na sumasagisag sa ating bansa, sa lupang hinirang, at perlas ng silanganan. Ang Pilipinas ay bayan ng tagumpay, kagitingan, at katapangan; bayan na pinapatnubayan ng Poong Maykapal.
Maka-Diyos, Maka-tao, at Maka-kalikasan—ito ang ating panunumpa sa ating watawat. Maka-Diyos—na sa ating buhay, Siya ang sentro; na sa lahat ng ating ginagawa ay para lamang sa pagbibigay sa Kaniya ng mataas na glorya. Maka-tao—ito ang isa sa pangunahing tinuturo sa atin noong tayo'y musmos pa lamang. Pag-gamit ng "po" at "opo", pagbibigay sa kapwa, at paggalang sa nakakatanda—ito ang turo sa'tin nina Nanay at Tatay. Maka-kalikasan—ang bansang Pilipinas ay puno ng likas na yaman. Patuloy nating inaalagaan at ipinagyayaman ang ating kalikasan. Maka-bansa—ang pagmamahal natin sa ating bansa ay tunay na napakalaki. Ang ating bansa ay puno ng mga bayaning buong-tapang na isinakripisyo ang kanilang buhay para sa ating bansa. Maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan, at maka-bansa—ito ang mga asal na sumisimbolo sa ating pagka-Pilipino.
Ang mundo ay puno ng mga unos. Mga unos na hindi natin inaasahan; mga problemang bigla-bigla na lamang sumusulpot; mga pagsubok na ka'y hirap mapagtagumpayan. Dito nakikita ang Pag-asa. Pag-asa na sa hirap ng buhay, sa dulo'y makakamit ang inaasam-asam na tagumpay. Pag-asa na nagbibigay sa'tin ng kakayahang ngumiti sa kabila ng mga unos na pinagdaraanan. At kasabay ng pa-asa ay Pananampalataya. Pananampalataya na kayang magpagalaw ng mga bundok; Pananampalataya na nagtitiwala sa kakayahan Niya; Pananampalataya na nagsasabing hindi man natin kaya, ay kayang gawing posible ng Diyos and imposible. At ang ikatlo ay, Pagmamahal. Pagmamahal sa Diyos, sa sarili, sa kapwa, sa kalikasan, at sa bansa. Ang pagmamahal ay kailanma'y hindi nagkakamali. Ito ang rason kaya't tayo'y ginawa ng Diyos—dahil sa Kaniyang pagmamahal, upang mahalin, at magmahal. Pananampalatay, pa-asa, at pag-ibig—ito'ng tatlo ang dapat manatili sa atin, ngunit ang pinakahigit sa lahat ay ang pagmamahal.
Sa lawak ng mundo, lahat tayo'y may pagkakaiba. Ang pagkakaiba ng paniniwala, ng kulay, ng kultura, at maging sa estado sa buhay, ito ang nagiging kahirapan upang hindi magkaintindihan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ating pagkakaiba-iba, tayo'y nagtutulungan upang makamit ang kapayapaan. Ang mga asal na aking binanggit ay siyang makatutulong upang makamit ang kapayapaan. At tayo, biglang Pilipino, ay magtutulungan upang gawin mas maayos ang ating bayan.
Ito ang mga katangian ng mga Pilipino. Kaya nating maki-isa at makipagsabayan kung kanino man. Itong mga katangiang ito ang siyang bumu-buo ng ating pagka-Pilipino; at ang Pilipino ang siyang kumukumpleto sa Pilipinas, ang bayang magiliw.

0 comments