New Years Resolution 2017
1/04/2017 12:38:00 AM
Panibagong taon ay pumasok. Isang libro na naghihintay mapunan. Kasabay ng ingay na umaalingaw mula sa mga paputok, ay mga lumulutang na kaisipan at nagdadagundong na tibok ng dibdib na tila'y hindi maipaliwanag ang nararamdaman. Tibok ng puso, sabay sa mga tinig sa kaisipan na paulit-ulit na nagtatanong *lub dub lub dub* Ano ang aking gagawin sa taong ito? Kaguluhan ay bumabalot sa aking isipan at mas malakas na tanong at mas malakas na tibok *LUB DUB LUB DUB* Ano nga ba?
Una ay pagbabago. Marahil kahit anong gawin natin, ito at ito laang ang mananatili. Pisikal—maging mas kaaya-aya ang kondisyon, mula sa mga sakit at ano pa. Mental—mas mabigyang pansin ang mga bagay na may matututunan at tutulong sa paglinang at paghubog nito. Sosyal—mas lumawak ang abilidad sa pakikipag-usap at pakikisama sa iba. Emosyonal—matutunang ikontrol ang emosyon upang mag maging matapang. Espiritwal—gawin ang bawat bagay nang buong puso para sa Kaniya. Pagbabago sa mga bagay na kayang baguhin at kasabay nito ay paglisan sa sakit at saya ng nakaraan.
Sunod ay pagtanggap. Pagtanggap sa mga bagay na hindi na maari pang baguhin. Pagtanggap sa lungkot at saya ng buhay. Sa pamamagitan nito, makakausbong ako patungo sa pag-abot sa tagumpay.
Pagbaba ng loob ay dapat manatili sa kabila ng lahat ng pagbabago. Doon nakikita ang pagtanaw. Sa kabila ng ating tagumpay, dapat matuto tayong magbaba ng loob at tanawin ang kahapon. Gayon din ang pasasalamat. Matuto tayong magpasalamat sa Diyos, sa ating mga magulang, kaibigan, at maging mga kaaway.
Ilan lamang ito sa aking mga naiisip na gagawin ngayong taon. Nawa'y magsilbi itong gabay sa akin upang magtagumpay at maging mas mabuti, mas matapang, at maging sino man dapat ako.

0 comments